Barko bumangga sa isla sa Romblon, 33 sugatan
Aabot sa 33 katao ang sugatan matapos na sumalpok sa isang isla sa Calatrava, Romblon ang barkong M/V Maria Matilde ng Montenegro Shipping Lines, Inc. pasado alas-5:00 ngayong umaga, September 26.
Patungo ang barko sa Romblon Port galing Odiongan Port para ihatid ang ilang pasahero na sakay nito galing Batangas.
Ayon kay Cajidiocan SB Member Marvin Ramos na isa sa mga pasahero ng barko, nagising umano siya dahil akala n’ya ay may malakas na sumabog ‘yon pala ay bumangga ang kanyang sinasakyang barko. Noong una akala niya sa maliit na isla lang sila sumalpok pero nakita niya ng umatras ang barko na isla ng Tablas ang nasalpok ng barko.
Nakausap niya umano ang chief mate ng barko at sinabi nito sa kanya na iba ang naka duty noong oras na sumalpok ang barko at nagkaroon rin ng failure sa GPS.
Sa lakas ng pagkakasalpok ng barko, nayupi ang unahang bahagi nito, nagtumbahan ang ilang aircon, at nasugatan rin ang ilang pasahero matapos na tumilapon sa higaan.
Isang sasakyan rin ang nasira dahil sa pagsalpok ng barko.
Nakadaong na sa Romblon Port ang nasabing barko pasado alas-7:00 ngayong umaga.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard ang pangyayari.
Source and courtesy of Romblon News Network, a regional partner of Marinduque News.
Source: Marinduque News
Post a Comment